AIM World

Kandidato Mo, Kilalanin Mo: Genaro B. Abreu

By on Apr 7, 2016 in Asia, Local, Politics Comments

Dahil sa halos isang buwan na lang ay eleksyon na, napagpasyahan ko bilang may-ari ng website na ito na mag-interview ng mga kandidato dito sa Batangas para makatulong sa mga kapwa ko Batangueño na makapagpasya kung sino ang kanilang iboboto at makatulong na rin sa mga kandidato para maiparating ang ilan sa kanilang mga plataporma sa mga taong palaging online: mga kabataan na laging nasa internet shop at mga kababayan nating OFW.

Marami po akong kinontak na kandidato sa kanilang mga Facebook Page, may mga nagreply, may mga seen-zoned lang ako at may mga tumugon naman na sumagot sa aking interview. First come – first served po tayo. Kung sinong nauna, sya ang mauuna. 🙂

Umpisahan na po natin sa unang tumugon sa ating interview:

Genaro B Abreu

Genaro B. Abreu Campaign Poster
Credit: Genaro Abreu FB Profile

Ano po ang inyong pangalan, edad at posisyon na tinatakbuhan ngayong darating na halalan?

Ako ay si Genaro B. Abreu, 42 anyos. Ako ay tumatakbo bilang Board Member mula sa Ikalawang Distrito (Lobo, San Luis, Bauan, San Pascual, Mabini at Tingloy) ng Lalawigan ng Batangas.

Saan po kayo nagtapos ng pag-aaral? Ano po ang kurso nyong natapos?

Nagtapos ng BS in Physics at Diploma in Psychology mula sa Philippine Normal University at Masters in Development Management at Doctorate in Development Science (almost complete Acad requirements) mula pareho sa Pangasinan State University.

Ano po ang inyong mga karanasan na sa tingin nyo ay katunayan na kayo ay karapat-dapat sa posisyong inyong tinatakbuhan?

Ang 22 taon ng pagtuturo ay 22 taon ng exposure sa maraming anggulo ng buhay ng mga estudyante at mga pamilya nila. Bilang likas na mapagmatyag, saksi ako sa mga kakulangang di kayang tugunan ng maykapangyarihan at namumuno sa pamamahala ng bayan.

Ano po ang inyong plataporma para sa mga kabataan?

Plataporma sa kabataan: ang mapalawak pa ang saklaw ng mga tulong o ayudang pinansyal sa mga mag-aaral tulad ng dagdag na allowance sa araw-araw na pagpasok. Walang saysay kung scholarship lang kung wala namang panggastos sa school tulad ng sa projects, hand-outs, meryenda man lang atbp. na kelangan sa mga asignatura.

Ano po ang inyong plataporma para sa mga senior citizen?

Sa mga katandaan: Ang mabigyan sila ng mga programa na makapagpapataas pa ng pagtingin sa sarili. They need to see their worth and that they still can be productive despite the fact that they are in their twilight years. Karagdagang benepisyo sa mga transaksyon at mga mapaglilibangan.

Ano po ang inyong plataporma para sa mga OFWs?

Sa OFW: makapagtayo sila ng samahan at pondo na sasagip at aalalay sa mga kasapi na nangangailangan ng tulong sakali na hindi palarin sa pangingibang bayan. Ayuda para makapagsimula ng maliit na pamumuhunan. Una ay matapos ang mga pagsasanay o trainings. Iikot ang pondo para di maubos.

Sa lahat ng mga kandidato, bakit ikaw ang dapat iboto ng mga tao?

Bakit ako dapat iboto? Dahil una, ako lang ang hindi pasaway sa lahat ng katunggali. Sinunod kong lahat ang panuntunan base sa Fair Elections Act. Naniniwala ako na kung di mo masunod ang pinakapayak na alituntunin habang wala ka pa sa pwesto o kapangyarihan, eh di lalo na kapag nahalal na? May respeto ako sa batas at isinasapuso ko ang pagsunod sa mga alituntuning itinakda.

Ikalawa, may takot ako sa Diyos.

Ikatlo, ako lamang ang may lantad na plataporma.

Ikaapat. Ang aking 22 taon ng serbisyo sa mga tao sa pamamagitan ng mga mag-aaral at kanilang pamilya.

Ikalima. Ang aking napag-aralan, masters at doctorate ay ukol sa development na paghahanda sa mga gawaing pangkaunlaran ng bayan.

Ikaanim. Dahil sa halos nalibot ko na ang buong Pilipinas, saksi ako sa iba’t ibang suliranin ng karaniwang mamamayan at sa mga pamamaraan o solusyong ibinibigay ng kanilang pamahalaang lokal.

Final message nyo po:

Una ay DIYOS. Siya ang tunay na makapangyayari sa lahat. Anuman ang kahihinatnan ng labang ito, maluwag sa loob kong tatanggapin. Ito ay matapos ko ring gawin ang aking pinakamakakaya upang pagtiwalaan ng taong bayan……Kasihan nawa tayo ng Panginoong Diyos! Salamat!

End Of Interview

Nagpapasalamat po kami kay G. Abreu sa kanyang maagap na pagtugon sa aming ipinadalang interview. Alam ko na abala kayo sa pangangampanya, salamat at pinaglaanan nyo kami ng oras para sagutan itong aming panayam.

Paglilinaw: Ito po ay for informational purposes lamang. Ang Batangas Today po ay hindi nag-eendorso o mag-eendorso ng sinumang kandidato. Kung sinuman pong kandidato dito sa Batangas ang gusto ring magpainterview, maanong kumontak po lamang gamit ang aming Contact Page. Salamat po!



Spread The News!



Tags: , , ,

Advertisement

Related News



What's On Your Mind?




Pinterest
Email